Apat, lima o anim, ano nga ba ang iyong nalalaman?
Magbasa, sumulat, magbilang wala sa iyong kamalayan,
Tutungo sa paaralan bitbit ng iyong magulang .
Pagtapak ng mga paa sa pintuan ng paaralan,
Kaba sa dibdib ang nararamdaman,
Tanong sa isipan, ikaw ba ay magpapaiwan ?
O ika’y sasamahan hanggang sa mag-uwian?
Pagkakita sa mga batang nasa upuan,
Sa isip ay may alinlangan, sino nga ba ang tatabihan?
Upang mawala ang agam-agam, umupo sa silyang walang laman .
Tahimik na nakikinig at nakikiramdam ,
Guro’y lumapit at ika’y sinabihan
“Huwag mag-alala lahat sila’y kaibigan ”.
Sumilay ang ngiti sa iyong labi
Ramdam mo’y kakaibang kasiyahan,
Maging mabuting mag-aaral iyong aasamin
Upang makamit maganda mong kinabukasan.

 

FLORICEL G. MEDINA
Administrative Officer IV