Tatay, nanay, ama, ina, mama, papa, tatang, inang, mommy, daddy, anuman ang itawag sa kanila, sila pa rin ang masasabing sa iyo’y nagmamahal, nag-aalaga, sumusuporta sa lahat ng iyong pangangailangan.
Ano nga ba ang kayang gawin ng isang magulang para sa kanilang mga anak? Wala ng hihigit pa sa pagmamahal ng isang magulang. Mula sa sinapupunan ng iyong ina hanggang sa ika’y iluwal sa mundong ibabaw, ang paghihirap na dinanas niya’y hindi kayang pantayan habang ang iyong ama ay walang sawa ring nag-aaruga sa iyo. Araw at gabi sa iyo’y patuloy na nagbabantay dahil sa takot na ikaw ay mawalay sa kanilang paningin. Dumaan ang panahon na ikaw ay lumalaki, sila’y patuloy pa rin sa pag-alalay sa iyo. Anuman ang mangyari hindi sila magbabago. Iniisip nila ang kapakanan at ikabubuti mo. Mga problema sa paaralan, sa buhay ng magkakapatid, buhay pag-ibig o anupaman palagiang nandiyan sila , nagbibigay ng paalala . Hindi ka pababayaan, handang ibigay kung anuman ang naisin at para sa ikabubuti mo. Sa pag-aaral sila ay nakaagapay upang makuha ang ninanais na tagumpay. Handa silang magsakripisyo para sa iyo. Pangaral nila ang magiging gabay hanggang sa iyong pagtanda. Kahit simpleng gawain sila’y ating tulungan, paghuhugas ng pinggan, paglilinis ng bahay at kapaligiran, pagluluto at iba pa. Puso nila ay sasaya sa ating mga ipinakikita, mahalin, pagsilbihan at alagaan mga magulang natin . Huwag silang kalimutan anuman ang marating mo dahil sa kanila kaya ka naririto sa mundo. Kung wala sila, hindi mo maranasang mabuhay sa ginagalawan mo.
Nay, Tay maraming salamat. Kailanman at saan man tayo ay magtungo di kayang pantayan pagmamahal ninyo. At kami bilang mga anak na tinataguyod ninyo ay labis na nagpapasalamat sa lahat lahat ng mga ito. Maraming salamat sa pagmamahal ninyo! Ikaw , ako , sila tayong lahat ano ba ang kaya nating isukli sa pagmamahal ng ating magulang?