Rikka Jessica C. Torres
Administrative Assistant III
Ang buwan ng Agosto ay kapistahan ng pagkilala at pagbibigay parangal sa ating wikang Filipino. Ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa upang ipalaganap, gunitain, paunlarin, pahalagahan, at panatilihin sa kamalayan ng bawat Pilipino ang ating ipinagmamalaking sariling wika.
Alinsunod sa ipinalabas ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang tema ngayong taon ay “Filipino at Mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Paglikha at Pagtuklas”. Layunin nito na maiangat ang kamalayan ng mamamayang Pilipino ukol sa wika at kasaysayan nito. Nais ng Komisyon na mas maipamulat pa sa lahat ang halaga ng wika bilang kasangkapan at sandigan upang mas magkaroon ng pambansang kaunlaran at kaligtasan.
Ang paggamit ng wikang Filipino ay mahalaga upang maging maayos ang komunikasyon ng bawat isa. Ito rin ang instrumento ng pagbabahagi ng kaalaman. Tulad ng isang guro, katutubong wika at Filipino ang ginagamit muna sa pagtuturo at pagkatuto ng mga bata mula sa Baitang 1 hanggang Baitang 3. Importante rin ito upang magkaroon ng kaalaman at wastong pananaliksik upang makalikha at makatuklas ng panibagong karunungan.
Ang paggamit ng katutubong wika ay nagbibigay ng repleksyon sa personal, sosyal at pangkultural na pagkakakilanlan ng isang tao. Ito ang wika ng mga etnikong grupo dito sa bansa. Naipapamalas ng isang mamamayan ang kanyang damdamin na may lakas ng loob gamit ang kanyang katutubong wika.
Sa panahon ng pandemya, naging malaking bahagi ang wikang Filipino at mga katutubong wika. Nagkaroon ng pagkakaintindihan at pagkakaunawaan saanmang sulok ng bansa. Mas pinili na gamitin ang mga simpleng pananalita o ang kanilang katutubong wika o dialekto na mas higit na naiintindihan ng nakararami sa isang komunidad. Dahil dito mas naging bukas ang pagkakaisa at pagtutulungan.
Tulad ng isang bombilya, ang ating wika ang nagsisilbing liwanag sa mga suliranin at hindi pagkakaunawaan. Nagkakaroon ng kaguluhan sa isang bansa kung hindi nagkakaintindihan dahil sa magkakaibang lengguwaheng ginagamit at pinaniniwalaan. Ang liwanag na ito ang tutugon sa pagliligtas at pagkatuklas ng iba’t ibang imbensyon at mga pangangailangan. Ito ang ating magiging tulay sa pinapangarap na kaunlaran at kapayapaan upang makasabay sa ibang mauunlad na bansa.
Wika nga ng dating Pangulong Manuel Luis M. Quezon, Ama ng Wikang Pambansa, “Walang bansa ang umunlad na hindi gumagamit ng sariling wika”. Kaya ating gamitin at ipagmalaki ang ating sariling wika. Katutubong wika man o wikang Filipino dapat lamang na mahalin at pahalagahan.