“Ako’y kawani ng gobyerno, tungkulin ko ang maglingkod ng tapat at mahusay.”, ito ay palaging sinasambit tuwing lunes ng umaga sa flag raising ceremony ng lahat ng mga empleyado ng ating gobyerno. Marahil ay nagsisilbi itong gabay o paalaala para sa mga kawani upang magampanan nila nang tama ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Ngunit bilang isang kawani, paano nga ba natin magagampanan ang ating tungkulin nang tapat at mahusay?
Sa aking palagay, kung ang ating paglilingkod ay may sangkap ng DepEd Core Values:
Maka-Diyos – ang pagdarasal at paghingi ng kanyang gabay bago magsimula at matapos ang oras ng trabaho upang ito ay ating magampanan nang tama.
Maka-Tao – ang magandang pakikitungo sa mga kasamahan sa trabaho at ibang tao upang maging isang mabuting kawani ng gobyerno.
Maka-Kalikasan – ang pagtitipid sa paggamit ng mga supplies sa opisina, tamang pagkonsumo ng kuryente at tubig, paglilinis ng mga kwarto at pagatatapon ng mga basura sa tamang tapunan upang makatulong sa pag-aalaga at pagpapaganda ng ating kapaligiran.
Maka-Bansa – ang pagsunod sa batas at alituntunin sa loob at labas ng ating opisina at pagtangkilik sa produktong sariling atin ay pagpapakita ng halimbawa bilang isang mabuting mamamayan na may pagmamahal sa sariling lungsod at sa ating bansa.
Iyan ay ang mga katangian na dapat na laging sinasaisip at sinasapuso ng lahat ng kawani ng gobyenro sa tuwing sila ay nagbibigay ng serbisyo pampubliko nang sa ganun ay hindi sila makalimot at lumabag sa kanilang sinumpaang tungkulin at makapaglingkod nang maayos, buong puso at husay sa ating mahal na opisina, sa ating mamamayan at kapwa kawani at sa ating bayan.