Feature Article #1:
COVID-19 Pandemic: Epekto Sa Akin
Tula ni: Dennis Bergonia

Mula ng nag-lockdown sa aming bayan,
ang aming bahay tila ba naging kulungan.
Pagpasok sa opisina ay hindi pinapayagan,
Pagpasok sa eskwela’y pansamantalang ipinagpaliban.

Paglipat sa ibang bayan ay mahigpit na ipinagbabawal,
Upang paglaganap ng sakit ay maiwasan at masupalpal.
Matutong sumunod, yumuko at wag ng umangal,
Dahil ang buhay natin sa COVID-19 ay hindi na normal.

Kapag natapos na ang peligro ay magiging malaya na tayo,
Dobleng pag-iingat sa pamamagitan ng pagdistansya sa mga tao.
Sa pagsusuot ng face mask at paglalagay ng alcohol sa kamay ko,
Mga mabuting pamamaraan na paglaban sa sakit ito’y epektibo.

Ang COVID-19 ay walang taong pinipili,
Kapag naging pasaway ang buhay mo’y madadali.
Isipin mo na lamang na ito ay isang larong masidhi,
Kaya wag kaagad susuko dahil ikaw ay magagapi.

Maraming tao ang nagsasakripisyo, marami rin ang nagdurusa,
Tindi ng pagpapahirap na dulot nitong sakit na corona.

Epekto ng COVID-19, sa ating istorya siguradong nagmarka,
Suliranin na ngayo’y ating kinakaharap sana ay malutas na.

Sa Diyos tayo ay magpasalamat at magbigay ng pagpupugay,
Pati sa mga pulis, nars at doctor na nagbubuwis ng kanilang buhay.
Hangad namin ay makamit na matagal na nating inaasam na tagumpay,
Nang ang buong mundo ay magdiwang at magsaya na ng walang humpay.

Feature Article #2:
Walang Pasubaling Paglilingkod
Ni: Dennis Bergonia

Bilang isang kawani ng gubyerno, at sinumpaang tungkulin, lubusan kong nauunawaan ngayon ang kahalagahan ng isang manggagawang katulad ko na sa kabila ng krisis at lahat ng mga programang mahigpit na pinatutupad ng ating pamahalaan na manatili sa kani-kanilang tahanan ay patuloy pa rin ako na pumupunta sa opisina upang makapagbigay serbisyo.

Bilang isang drayber, ay tungkulin kong magmaneho at maihatid ang aking superintendent sa opisina sa oras ng pangangailangan upang hindi maantala ang mga dokumento na kailangan nyang gawin at pirmahan lalo na kung ito ay may kinalaman sa pinansyal at benepisyo ng mga manggagawang katulad ko.

Sa panahon ng pandemya, ang paglilingkod nang walang pasubali para sa kapakanan ng mga empleyado, kahit delikado ay maituturing kong isang tunay na serbisyong hindi matatawaran sapagkat ang sakripisyo na aming ibinibigay ay hindi biro.

Kaya sa aking pangwakas na pananalita, lagi po tayong mag-iingat, at pagpalain tayong lahat ng ating Poong Maykapal.